Saludo kami sa mga gurong Pilipino!
BY TRISTAN JOY MANALILI | October 4, 2019
Ang pagsisimula ng “Ber Months” ay isang napaka-espesyal na buwan sapagkat pagsapit ng ika-5 ng Septiyembre hanggang ika-5 ng Oktubre, ipinagdiriwang natin ang National Teacher’s Month para pasalamatan ang malalaking ambag ng ating mga butihing guro na siyang ating tila pangalawang magulang.
Tara na at alamin natin ang ilang dahilan kung bakit “Idol” natin kung ituring sina Ma’am at Sir.
“Ang gusto ko talagang makita sa mga bata ay pagkatuntong palang ng Elementarya ay makapagtapos sila hanggang Kolehiyo.” – Ron Diu.
Bilang ating mga pangalawang magulang, mahalaga para sa kanila na makita na nagbubunga ang kanilang mga pinaghirapan sa pamamagitan ng pagiging matagumpay ng kanilang mga estudyante sa kani-kanilang gustong tahaking larangan. Para sa isang guro, sapat nang makita niya ang kaniyang estudyante na makapagtapos ng isang taon sa paaralan ngunit, isang napakalaking bagay para sa kanila na makatapos ito hanggang kolehiyo at makamit nito ang kanyang pangarap.
Lahat ng propesyunal ay dumadaan at natuto sa isang magiting na guro.
“Kung walang mga Teachers, walang mga Scientist, walang mga Doktor. Kung walang mga Teachers, walang mga … Teachers. Kung wala ang mga Teachers, walang nagne-negosyo, walang magbibigay ng trabaho at higit sa lahat kung walang mga Teachers, walang magiging leader ng bansa, at ng mundo.” – Edric Calma
Ang pangarap ng isang tao ay nagsisimula noong sila’y mga bata pa lamang. Araw-araw, itong binubuo ng mga bata katuwang ang kani-kanilang mga guro sa loob ng apat na sulok ng klasrum at dito nagkakaroon ng ambisyon at ng misyon ang isang bata na matuto at mag-aral upang matupad ang mga ito. Higit sa lahat, ang mga guro ang siyang tumutulong at nagbibigay ng sapat na kaalaman na kinakailangan ng isang tao o ng isang estudyante upang tulungan sa kanyang nais marating.
******
“Kahit po lagpas na sa working hours niyo ay nagtatrabaho parin kayo para sa amin.” – Igi Boy Flores
Ang trabaho ng isang guro ay hindi lang natatapos sa apat na sulok ng silid-aralan at hindi rin ito tumitigil pagkatapos ng isang klase. Ang trabaho ng isang guro ay nagsisimula at natatapos sa kani-kanilang mga tahanan, nagsusunog ng kilay, nag-aaral, at naghahanda sa isang buong araw na kung saan nakasalalay sa mga guro ang tamang pamamaraan ng pagkatuto sa marami pang mga bagong bagay.
Lahat ng kanilang paghihirap ay hindi nila ginagawa para sa pansariling intensyon.
Kaya, sabay-sabay nating pasalamatan ang mga guro sa kanilang walang kapagurang serbisyo para sa ika-uunlad ng bansa sa hinaharap. Higit dito, dapat din natin silang pasalamatan sa kanilang malaking ambag na naibibigay nila sa mga kabata sa pamamagitan ng edukasyon.
Gaya ng sabi ni Ms. Karen Davila, “Minsan, palagay n’yo na hindi kayo naa-appreciate pero you are rewarded in heaven and in the lives of the students you teach.”