Bagong Habits Para sa Bagong Taon

BY JEM ECLARINAL | January 24, 2019

Nakasanyan na natin tuwing bagong taon ang pagkakaroon ng New Year’s resolution, ika nga nila “new year, new you”. Ngunit may ilan sa atin ang hindi makapag-isip ng babaguhin o ‘di naman kaya ay hindi alam kung saan magsisimula. Pero ‘wag mag-alala may mga paraan sina Marla at Jordan ng Estudyantipid at Ate Rachel mula sa Payong K-Lusugan na  maaring sundin buong taon.

Mga New Year’s Resolution para sa mas malinis na 2019

Segregated na pagtatapon para healthy buong taon

Mainam na simulan ang taon sa maayos na pagtatapon ng basura. Bukod kasi sa pagkasira na idinudulot nito sa kalikasan ay maari rin itong magdulot ng iba’t ibang kumplekasyon dahil sa amoy at kemikal na posibleng kumontamina sa ating water supply at kapaligiran. Ayon kay Ate Rachel ng Payong K-Lusugan, mayroong iba’t ibang paraan upang maibsan ang pagkalat ng basura sa pamamagitan ng segregation o ang maayos na pagbukod ng mga basura sa tatlong kategorya: recyclable, nabubulok at ‘di nabubulok.

Ang mga recyclable na basura ay maari pang gamitin, direkta man o bilang materyal sa paglikha ng bagong bagay tulad ng paso o ‘di naman kaya pang-disenyo sa bahay. Samantalang ang basura namang nabubulok ay maaring gamiting compost o pataba sa lupa na magpapalago pa lalo sa inyong mga halaman. Ang pinakahuling kategorya, ang ‘di nabubulok ay mga basurang wala nang pakinabang at maari na talagang itapon.

Bukod sa pagre-recycle ay mainam ding sanayin ang sarili na ipagpalit sa pinakamalapit na Material Recycling Facility o MRF ang mga basurang sa unang tingin ay wala na talagang halaga tulad ng mga sachet ng shampoo at sabon. Maipagpapalit ang mga ito para sa mga hygiene kit. Ang mga sachet na ipagpapalit ay gagamitin sa paglikha ng mga hollow blocks para sa pampublikong kalsada, mga silid-aralan, o mga silyang gawa sa plastic.

Mga New Year’s Resolution na titiyak sa mas matipid na taon

Magtipid para sagana ngayong 2019

Kung gusto mo naman na makatipid o ‘di kaya kumita ngayong bagong taon, maganda na sundin ang mga payo ng tambalang Marla at Jordan ng Estudyantipid. Isa sa mainam na gawin ngayong taon ay ang pagsalansan ng mga lumang gamit na nagpapasikip sa iyong bahay. Maari itong i-uri sa mga bagay na kailangan o maaari pang gamitin at mga gamit na puwede nang ibenta sa halip na itapon. Maaari din itong lagyan ng bagong disensyo o ibenta nang may promo tulad ng “buy one, take one” upang mas maging kaayaaya sa mga mamimili.

Sa oras na maubos na ang iyong mga paninda at maka-ipon ka na ng sapat na kita, maaari itong i-depsito sa banko para kumita ng interes. Maari din palaguin ang pera sa papmamagitan ng pagsisimula ng isang maliit na negosyo.

Kung ‘di naman maiwasan na gamitin ang iyong kinita para sa pagbili ng bagong kagamitan, mahalagang isaalang-alang ang mga katangian ng isang matalinong mamimili—ang pagiging mapanuri at wais sa pagpili ng mga produkto. Magandang makasanayan ang pagsuri sa kalagayan at presyo nito upang maiwasan na madaya sa pagbili ng mga “overpriced” o nakasasamang mga produkto.

Dahan-dahang pagbabago

Magandang panahon ang bagong taon upang baguhin ang mga dating nakasanayan. Ika nga nila, mayroon na naman tayong “clean slate”.

Para sa mas marami pang mga tips, maaring sundin buong taon subaybayan lamang ang pakikipagsapalaran ng mag-best friend na sina Marla at Jordan sa Estudyantipid at Ate Rachel sa Payong K-Lusugan.

Mapapanood ang Estudyantipid tuwing Biyernes, 4:30-5:00PM at ang Payong K-lusugan tuwing Miyerkules,12:30-1:00PM.

Mayroon din ba kayong gustong i-share na bagong tips and habits para sa bagong taon? I-post lang ang ito sa inyong Facebook o Twitter at gamitin ang #KCH2019Resolutions!

Previous
Previous

QC school receives videos and storybooks from KCFI and Sky

Next
Next

Best of Sunday Inspiration 2018