Mga adventures na pinya-saya sa Bukidnon!
NI TRISTAN JOY MANALILI | October 17, 2019
Bukidnon – ang tinaguriang “Food Basket of the Philippines” ay matatagpuan sa kalagitnaan ng Mindanao. Ang probinsyang ito ay maituturing na landlocked dahil ito ay napalilibutan ng Mountain Ranges at Ridges.
Halina at makisaya sa pinakabagong episode ng WOW! kasama si Edric Calma sa pagtuklas ng mga natatagong kagandahan ng probinsya ng Bukidnon at alamin kung bakit dapat ito mapabilang sa inyong travel list.
Sa pagbisita sa Bukidnon ito ang mga maari nating matuklasan:
1. Makibahagi sa makulay na Pista ng Kaamulan!
Makisayaw sa masasayang mga tugtugin ng mga folk dance sa taunang selebrasyon ng Kaamulan Festival. Hango sa salitang “amul” o “pag tipon”, ito ay ang pag sasama-sama ng pitong tribo ng Bukidnon ang Talaandig, Higaonon, Bukidnon, Umayamnon, Matigsalug, Manobo, at Tigwahonon. Ginaganap tuwing buwan ng Marso, isa itong makulay na pagtitipon na isinasagawa bilang isang ritwal, pasasalamat sa magandang ani, kasal at iba pa.
Maari ring maranasan ang mayamang kultura ng Bukidnon sa pag bisita sa ilang sagradong lugar sa probinsya kagaya ng Lake Napalit, Kimereges at Mindamora Falls. Dito isinasagawa ang iba’t ibang ritwal at tradisyon ng mga tribo.
2. Akyatin ang dalawa sa pinakamatataas na bundok sa Pilipinas
Extreme adventures ba ang inyong hanap? Kung oo ang iyong sagot, dumayo na sa Bukidnon at tuklasin ang kagandahan ng Mt. Kitanglaad at Mt. Kalatungan. Kilala bilang ikaapat at ikalima sa pinaka matataas na bundok sa Pilipinas. Bilang isang protected area, matutuklasan dito ang iba’t ibang endangered species ng hayop at mga halaman. Tiyak na mapapawi ang pagod niyo sa pag-akyat sa bundok kapag nakita niyo na ang magandang tanawin mula sa ibabaw ng kabundukan dahil mula sa taas, tanaw ang kagandahan ng buong kagubatan.
Para naman sa mga beginner na hikers, tumungo sa Paminahawa Ridge, dahil sa loob lamang ng tatlong oras ay makakarating na sa summit nito.
At kung adrenaline rush naman ang iyong hanap, hindi dapat palagpasin ang Dahilayan Adventure Park. Dito matatagpuan ang pinaka mahabang dual zipline sa buong Asya. Ang kombinason ng zipline at rollercoaster na tinatawag na “The Python”.
3. Tuklasin ang kakaibang kagandahan ng Mindamora Falls
Sa Yamang Tubig ay hindi rin magpapatalo ang probinsya ng Bukidnon! Hindi hadlang ang pagiging landlocked ng probinsya ng Bukidnon dahil ito ay napupuno ng mga nag gagandahang water falls at mga lawa. Hindi dapat palampasin ang pag bisita sa Mindamora Falls na may taas na 870 feet. Isa ito sa mga itinuturing na pinaka mataas na talon sa buong bansa. Ang nasabing talon ay maituturing na two-tiered kaya naman ito ay may taglay na kakaibang kagandahan.
Dapat din bisitahin ang Sinulom Falls na may enchanted look, dahil ito ay napaliligiran ng matitingkad na berdeng moss at mga puno.
4. Kapeng Bukidnon
Ang probinsya ng Bukidnon ay hindi lamang matuturing na Food Basket of the Philippines dahil dito rin matitikman ang isa sa mga pinakamasarap na kape sa bansa. Dahil mas malamig ang klima sa Bukidnon kung ikukumpara sa ibang lugar sa bansa, kaya naman isa ang kape sa mga hinahanap-hanap ng mga lokal at turista dito. Hindi naman ikadidismaya ang local coffee scene sa Bukidnon dahil kamakailan lamang ay humakot ito ng parangal at nanalo bilang 2nd place sa Pinoy Coffee Competition. Ayon na din sa mga lokal, ang matabang lupa at malamig na klima ay angkop na angkop sa pag tatanim ng mga coffee beans kaya naman ganun na lamang kataas ang kaledad ng mga ito.
Hindi rin dapat palampasin ang mga biyaya galing sa probinsya dahil ito ay tinuturing na isa sa mga top producers ng gulay at prutas sa buong bansa. Kaya hindi dapat palampasin ang pagkakataon na bumili ng fresh na Pinya, Mais, Kape, Carrots, Cabbages at iba pa kapag nasa probinsyang ito.
Tunay nga na ang probinsya ay siksik at umaapaw sa likas na yaman na talaga namang maihahanay sa iba pang tourist spots sa ating bansa. Kaya sa susunod na pamamasyal, isama ang Bukidnon sa mga lugar na susunod niyong bibisitahin kasama ang buong pamilya o ang barkada!
WATCH: Wow | Bukidnon | Grade 4 Araling Panlipunan