Mga Mahalagang Kaalaman Ngayong Tag-ulan
Libo-libong mga pamilya sa ating bansa ang nalalagay sa peligro dahil sa bagyo at habagat. Naging saksi na ang mga Pilipino sa pinsalang dala ng hangin at ulan tulad ng nangyari noong bagyong Yolanda at Ondoy, ang dalawa sa pinakamatinding bagyo sa kasaysayan ng Pilipinas. Kaya naman maigting na pinalalawig ng pamahalaan ang kahalagahan ng paghahanda sa tag-ulan ngayong “Disaster Preparedness Month.” Kasabay nito ang ilang paalala upang masigurado ang kaligtasan ng bawat miyembro sa pamilya.
Mahalaga rin ang pagbabantay sa lagay ng panahon ngayong tag-ulan. Alamin ang mga rainfall warnings na kadalasang inuulat sa radyo at telebisyon. Alinsunod sa datos mula ng PAGASA, ang mga rainfall warnings na ito ay inuulat sa pamamagitan ng paggamit ng kulay tulad ng yellow, orange, at red.
Ang ipinapahiwatig ng mga kulay na ito ay batay sa lakas ng hangin, buhos ng ulan, at posibleng pagtaas ng tubig sa mga sakop na lugar ng bagyo o habagat. Para sa karagdagang kaalaman at kaligtasan, ugaliing obserbahan ang mga lugar na maaring maapektuhan ng bagyo at antabayanan ang anunsyo ng paglikas sa oras ng sakuna.
Sulat ni: Chantale Francisco
Infographics ni: Caitlin Callanta